PAANO TAYO SINASAKTAN AT TINUTURUAN NG MGA PANGARAP?



Bakit ba kasi ang hirap mabuhay? Bakit kailangang mamuhunan at masaktan? Higit sa lahat, bakit kailangan nating laging lumaban? mapapatanong ka na lang talaga; Kailan ba talaga championship nito nang matapos na!?


Daig ko pa nagluluksa ngayon. Sa hinaba-haba kasi ng panahon at makailang ulit na pagsubok para maabot yung matagal ko nang pinapangarap, hanggang ngayon patuloy pa rin akong nilalaglag ng mga pagkakataon. Napapatanong at napapa-analisa tuloy ako kung may hangganan ba talaga dapat ang pangangarap? Sa ibang banda, kailan o sa anong pagkakataon ba natin ito dapat binibitawan?

Hindi ito pag-ra-rant, isa itong pagkukwento at pagtatala kung paano at ano ba ang pinagdadaanan ng isang katulad ko para luminya ako sa tinatawag na ‘totoong takbo ng buhay’.

Bakit ba kasi ang hirap mabuhay? Bakit kailangang mamuhunan at masaktan? Higit sa lahat, bakit kailangan nating laging lumaban? mapapatanong ka na lang talaga; Kailan ba talaga championship nito nang matapos na!? lol.

High school palang ako, ang hilig-hilig ko na sa mga Dyaryo. Siguro masyado lang ako kinukurot ng kukuryusidad ko kung anong meron o ano bang laman nito. Bibihira lang kasi yun sa Probinsya. Broadsheet ang tinutukoy ko ha, hindi yung mga tabloid na madalas nakabandera sa bawat kanto ng kamaynilaan na puno ng mga makamundong bagay noon. Pagaraan! patalbugan! at palakihan iyon ng… alam niyo na! Kinakailangan maging masining at mapang-agaw-tingin ang bawat headline para pansinin ito ng mga mambabasa.

PANORAMA

Siguro isa na rin sa dahilan kung bakit nakahawak ako ng dyaryo noon ay dahil sa pagpapa assignment o pagpapadala sa samin ang mga teacher namin noon ng PANORAMA – iyon yung insert magazine tuwing araw ng linggo. Hindi ko mapaliwanag pero tuwang-tuwa ako kapag nakakahawak ako ng makapal na Dyaryo. Pakiramdam ko sulit ang bayad ko kasi nga makapal nga ito. Pero ang totoo, advertisement o mga job vacancy ito (wala pa kasing mga online job site noon) na nagpapakapal ng sunday issue ng Manila Bulletin noon.

Dahil doon, nabuo ang mga ideya at tila kabisado ko na ang itsura ng bawat pahina ng dyaryo. Kaya noong nag college ako pinili ko ang kursong may kinalaman sa hilig ko. Sa tingin ko kasi mas madaling mag-aral kung gusto mo ang tinutuklas mo.

Noong college days, natuto kaming yumakap sa malalaking makina tulad ng minerva, vertical at horizontal camera. Pumasok sa darkroom para mag-develop ng mga black and white films, bukod pa sa nga plate o plato na sinasalpak sa mga makina. Mamamangha ka talaga habang unti-unti lumilitaw ang mga letra at imahe mula sa mga plate na syang gagamitin para sa mas production o para sa maramihang pagpi-print ng mga pahina.

PICTURE PERFECT

Naging bahagi talaga ng buhay ko ang dyaryo, para akong bumubuklat ng mga pahina at sa bawat pabuklat, nakakatuklas ako ng bagay na dumuduktong sa mga pangarap ko.

Bahagi ng kurso ko ang Photography. Ang dami kong nasasayang na film noon. Salamat at nakakabili ako ng mura noon sa Carriedo.

Ganoon pa man inggit na inggit pa rin ako sa sa mga nakikilala at mga classmate ko noon na mayroon nang digital cameras. Kung meron lang sana ako noon, baka nakakapagpasa din ako ng magagandang kuha sa Tuesday edition ng Manila Bulletin noon na may section name na “Picture Perfect” Ilang beses din ako nagpasa noon. Kung di ako nagkakamali, bukod sa gusto kong mapublished kuha ko, gusto ko din manalo sa ng camera noon na sponsor sa isang film/photo company. Kaso, hindi nangyari yun kasi nga ang panget ng camera ko -panget din ang kuha kaya di napapublished.

Kaya noong nakatapos ako ng college sa Kursong Graphic Arts and Printing Technology sa TUP-Manila. Una kong inapplyan ang Manila Bulletin. At dahil wala pa akong job experience noon, isa yun sa tinitignan kong dahilan kung bakit hindi ako matanggap-tanggap.

Hindi natapos ang pangarap ko doon. Matapos ko mag trabaho sa isang private company bilang isang in-house graphic artist nakapasok din ako Dyaryo sa wakas!. Hindi man ako natanggap sa Manila Bulletin. Natanggap naman ako sa ‘The Daily Tribune’ na ‘Daily Tribune” na ngayon.

Ang dami kong natutuhan at ang dami na ding nangyari. Noong sa tingin ko mayroon na akong experience, muli akong sumubok mag apply sa Manila Bulletin pero hindi pa rin talaga ako natatanggap.

Hanggang sa matanggap ako sa isang international newspaper. Yung pangarap kong makapagtrabaho sa No. 1 newspaper noon dito sa Pilipinas.., sa mga international newspaper pa pala ako makakapagtrabaho.

SILENCE MEANS ‘NO’

Ang dami uli nangyari matapos noon. Bahagi na talaga nang buhay ko ang Dyaryo. Ngayong may pagkakataon na naman para muling subukang pumasok sa unang pakay ko. Ginawa ko. Nag-apply ako uli sa Manila Bulletin. Ang kaso noong mga pagkakataong iyon, alam mo na agad ang ibig sabihin kung wala kang maririnig mula sa kanila. ‘Silence means no’ Hindi ko nagawang itanong kung ano ang naging resulta ng pag-aapply ko.

Sobrang nakakasama ng loob iyon. Mapapaisip ka na kaya ka nga naghahanap ng trabaho kasi wala ka ngang panggastos, pero kailangan mo pa rin mamuhunan; hindi lang tiyaga kundi ng pera dahil kailangan mong mamasahe at kumain. In the end, hindi ka pala makakarinig sa kanila ng resulta. Iniisip mo na lang na baka busy sila sa dami ng aplikante o sadyang nasanay na silang hindi na binabalikan ang mga aplikante pag alam nilang hindi ka nila gusto o hindi ka kwalipikado.

Nakakalungkot isipin ang ang isang information giver company hindi marunong magbigay ng information sa bawat resulta mga aplikanteng bumuhas ng oras para puntahan sila.

Hindi na ko natuto.

Ngayong 2024. Muli akong sumubok matapos makita ang isa sa post nila na hiring sila sa parehong posisyon. Nagpasa ako muli at muling nainvite sa isang job interview.

Naligo, nangutang at namasahe ako para puntahan ang interview ko. Isa iyon sa mga kinapuputok ng sama ng loob ko bakit hindi nila kayang suklian yun ng simpleng impormasyon mula sa kanila.

Mapapaisip ka muli na ‘hindi sila ang may kailangan sayo, ikaw ang may kailangan sa kanila’ kaya ganoon na lang lagi ang aksyon.

Sa pagkakataong ito, lakas-loob na akong nagtanong dahil gustung-guto ko na makapagtrabaho.

At sa wakas! Sa unang pagkakataon marunong na sila mag response. At matapos ang maraming pagkakataon. Ano pa ba ang resulta?

Ang sakit di ba?

Sana nagiging matic na para sa lahat ng HR ang pagbibigay sa lahat ng uri ng resulta sa mga aplikanteng bumubuhos ng maraming bagay sa pagharap sa kanila.

Nagpapasalamat na rin ako dahil matatapos na lahat ng ilusyon ko para sa kumpanyang ito.

Naisip ko din na lahat ng mga bagay na pinanghahahawakan natin, gumagaan kapag binibitawan.

Siguro nga tapos na ang pangarap ko sa kumpanyang ito. tumatanda na rin ako. yung mga childhood dreams natin dapat hanggang doon na lang yun dahil matatanda na tayo. Ang dapat nating tandaan at dapat kapulutan ng aral ay ‘hindi lahat ng ginugusto natin ay napapasakamay natin.’

Hiling ko na lang: Sana, hindi maranasan ng mga new graduate ngayon ang matatagal na proseso padating sa pag aapply ng trabaho, lalo na ang pagbibigay ng impormasyon sa lahat ng uri ng resulta. Sa ganoon, marami pang bagay ang mabubuo katulad ng isang pagtatapos at isang pagsisimula sa pagbuo pa ng mga bagong pang plano.

Hindi tulad ng mga naiiwang kaisipan at mga hula na tila kautangan pa natin sa kanila dahil tayo ang may kailangan at hindi sila! kaya nababalewala ang isa sa pinaka importanteng impormasyon sa paghahanap ng bagong trabaho.

Harinawa maging matic na iyon sa lahat aplikasyon kung matatanggap ka man o hindi para sa ikauusad ng isang aplikante.

Sa ngayon, bibitaw na ako sa isang pangarap. Nakakalungkot pero dahil sa pagbitaw na ito, natututuhan natin ang isa sa pinaka importanteng bagay -ang pagtanggap.

We will be happy to hear your thoughts

Leave a reply

Som2ny Network
Logo
Compare items
  • Total (0)
Compare
0