PATAPON NA BUHAY | Libre Lang Mangarap!



Kawawa naman ang mga unan, niyayakap mo na, tinutuluan mo pa ng luhang dulot ng mga bagay dahil hirap ka nilang maunawaan.


Madalas mo rin ba maramdaman na tila patapon na ang iyong buhay? Huwag ka mag-alala hindi ka nag-iisa. Hugs*

Pero ano nga ba ang mga sanhi kung bakit ba tayo nagkakaganito? At isa sa madalas nating itinatanong, paano nga ba natin ito malalagpasan? May lunas pa nga ba?

Kaya minsan, tulad mo at tulad ko din, madalas akong naghahanap ng sulusyon at mga kasagutan. At saan pa ba tayo maghahanap? – internet.

Anila, ang pakiramdam na “patapon ang buhay” ay madalas dulot ng matinding pagkabigo, kawalan ng direksyon, o problema sa mental health tulad ng depresyon. Tandaan na ito ay isang pakiramdam lamang at hindi katotohanan; laging may pag-asa at pagkakataon para magbago ang sitwasyon sa pamamagitan ng paghingi ng tulong, pagtatakda ng maliliit na layunin, at pag-unawa sa sariling halaga. 

Ito daw ang mga una nating dapat gawin:

Paghingi ng Tulong: Kausapin ang isang pinagkakatiwalaang kaibigan, pamilya, o propesyonal (psychologist/psychiatrist) kung nakakaranas ng matinding kalungkutan o kawalan ng pag-asa.

  • SA KAIBIGAN: Ang totoo, sa mga pagkakataong tulad nito, napakahirap talagang humingi ng tulong sa mga kaibigan at kakilala. Sa tuwing mangungumusta kasi tayo, akala nila mangungutang na naman tayo. Pakiramdam nila, problema na naman ang magmumula sa atin kaya hindi mo na rin sila masisisi.
  • SA KAPAMILYA. Nandoon nga ang lahat ng suporta dahil nga pamilya mo sila. Pero sa sitwasyon ko? ramdam ko nga ang pag-aalala nila, pero sila din ang nangunguna para pangunahan tayo sa mga posibleng desisyon natin sa hinaharap. Haaay.. ang hirap humugot ng mga positibong bagay
  • SA MGA PROPESYONAL – Nagdaan na rin ako sa mga ganyan. At may isang kaganapan at pangyayaring hinding-hindi ko makakalimutan. Sa mismong Nuerologist at Psychologist ko pa talaga. Kasama ko noon ang mama ko para sa isang check-up. Gustuhin ko man o hindi, kailangan yun para muli akong maresetahan. Hindi ka kasi basta-basta makakabili sa mga butika kung wala kang reseta nito: Levetiracetam, Phenobarbital, Lacosamide (Vimpat) – ilan lang yan sa mga gamot ko na ilang beses ko ding nilalaklak sa bawat araw. Ang totoo, kung pwede nga lang akong pumunta mag isa doon gagawin ko. Kaso hindi. Iyon ang problema ng isang taong tulad ko na epileptic. Makakalimutin na ako, kaya kahit direksyon o lugar ay nahihirapan ako. Sadyang mahina na talaga ang memory nang taong tulad ko. Alam mo kung ano ang sabi sakin ng doctor ko?

    “Yung ibang pansyente dito, mag-isa na lang pumupunta dito, hindi na kasama ang magulang”

    Gusto ko sanang mag walk out noon. Yung pagkakataong dapat isa sya sa nakakaintindi sa sitwasyon ko, sya pa pala ang magpapalubog sa’kin. Buruin mo yun. Iniisip ko na lang na karugdong ng mga taong may karamdaman tulad ko ang pagiging maramdamin. Pero hindi din, marunong pa rin akong mag-analisa.

    Sa huli, sarili pa rin natin ang natatanging kakampi natin.

    Hindi naman tayo pwedeng ganito na lang lagi. Kaya tayo na rin ang tutulong sa mga sarili natin. Paano?

    Anila, one step at a time lang daw. Hindi ito nakukuha sa isang pagtulog lang, na sa paggising mo ay okay na ang lahat. Hindi ganoon iyon. Dadaan pa tayo sa maraming pagtulog at pag-gising na puno ng pagsubok.

    Ang unang hakbang daw na pwede nating gawing gabay ay ang PAGKAKAROON NG LAYUNIN SA BUHAY.

    Puwede tayong magsimula muli sa maliliit na pangarap. Hindi naman kailangan na malaki agad. Tandaan na ang malalaking parangarap ay nagsisimula muna sa mumunti. Ang importante mayroon tayong nililingon o tinatanaw sa hinaharap kung paano natin ito kakamtam. Kinakailangan ito para magkaroon tayo ng gabay sa bawat pagdaan ng mga araw. Lalo na sa mga tulad natin na halos wala ng magawa dahil sa kalagayan natin, gustuhin man.

    Ang pangalawang hakbang daw ay PAGTANGGAP AT PASASALAMAT.

    Ang totoo, hindi ko alam kung dapat pa bang ipasalamat ang sitwasyon ko, ganoong binuhay ka nga uli, pero nasa ganitong senaryo ka naman.

    At ito ang itinuturo ng hakbang na ito. Sa kabila ng mga kabiguan at malalamim na isipan at pakiramdam, makuha pa rin natin dapat magpasalamat. Anila, habang may buhay ay may pag-asa at sya nga namang totoong tinuran.

    At ang pangatlo naman ANG HINDI PAGKUMPARA NG SARILI SA IBA.

    Isa ito sa pinaka mahirap na kalaban. Nandoon kasi ang mga tanong tulad ng ‘Bakit ako, o bakit sa akin ito pinaparanasan?’ Parang isang pagtama sa lotto at ikaw ang mapalad na naka jackpot. Marami kayo pero bibihira. Kaya ganoon na lang kung bakit marami pa ring namimis interpret tayo o hindi tayo nauunawaan.

    Tandaan natin na bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang dinadala o suliranin sa buhay. Nasa atin ito kung paano natin ito malalagpasan o lalabanan. Kinakailangan natin ng malalalim na pag-iisip katulad ng dahilan kung bakit ko ito naisusulat. Hinahanapan ko kasi ng kasagutan ang mga katanungang nakukulong sa aking isipan.

    Haaay.. ang hirap talaga. Kawawa naman ang unan. Niyayakap mo na, tinutuluan mo pa ng mga luhang dulot ng mga bagay dahil hirap ka nilang maunawaan.

    Kaya pa natin ‘to!

Paunawa: Kung ikaw ay may krisis o naiisip na saktan ang sarili, mangyaring tumawag sa mga mental health hotline sa Pilipinas (tulad ng National Center for Mental Health: 1553).

We will be happy to hear your thoughts

Leave a reply

Som2ny Network
Logo
Register New Account
Compare items
  • Total (0)
Compare
0
Shopping cart